KATAWAN PASIGLAHIN PARA NORMAL ANG GALAWAN

KATAWAN PASIGLAHIN PARA NORMAL ANG GALAWAN

March 2, 2023 @ 12:56 AM 4 weeks ago


TOTOO ang kasabihang ” health is wealth.” Patunay ang isang pangyayari nang atakehin ang inyong lingkod ng pamamanhid ng katawan nitong nakaraang araw.

Kasunod nito ang animo’y pagkaparalisa ng kanang binti at paa, hindi makagalaw at muntikan pang matumba at kung hindi pa napasandal sa isang pader, eh pihadong mga sugat ang aking inabot.

Mabuti na lamang at naitakbo ang inyong Health and Safety First ng kaanak sa pinakamalapit na ospital at napag-alaman ng sumuring doktor na mababa ang ating blood potassium level o hypokalemia.

Ang akala pa ng mga kaanak ay inatake nang stroke o brain attack kaya sa paglabas ng resulta ng computed tomography o CT scan at laboratory test, napag-alaman ni Doc na hypokalemia at hindi stroke ang aking naranasan.

Kahit pa sabihing napakadaling gamutin ang sakit, hindi ito maaaring ipagwalang-bahala. Kapag patuloy na pinabayaan, hahantong ito sa hindi normal na pagtibok ng puso, panghihina ng mga kalamnan at matinding pagkaparalisa.

Ayon sa mga eksperto, ang sobrang pagbaba ng potassium sa digestive tract ang madalas na dahilan ng pagkakasakit. Nangyayari ito dahil sa matinding pagsusuka, diarrhea at pag-inom ng mga gamot sa constipation.

Maaari din itong makuha dahil sa eating disorders, sobrang pagpapapawis, sobrang inom ng alcohol, pag-inom ng pills, poor diet, chronic kidney disease at iba pa.

Dagdag pa ng mga eksperto, “prevention is better than cure” kaya wala namang mawawala kung susundin natin ang mga dapat gawin.

Kumonsulta muna sa doktor para malaman ang totoong kondisyon ng inyong katawan. Maliban sa pag-inom ng gatas, kumain ng mga pagkaing mayaman sa potassium tulad ng avocado, saging, isda, orange, patatas, kamatis at iba pa.

Iwasan din ang sobrang pag-inom ng alak at maglaan din ng sapat na oras ng pamamahinga.

Uminom ng energy drink na mayaman sa potassium sa tuwing mag-e-ehersisyo.

At ang pinakahuli, humingi ng gabay sa Panginoong Lumikha para sa tamang kaalaman at tamang pangangalaga sa ating katawan.