Kauna-unahan sa kasaysayan: suicide bombing sa Basilan, 10 patay, 7 sugatan

Kauna-unahan sa kasaysayan: suicide bombing sa Basilan, 10 patay, 7 sugatan

July 31, 2018 @ 12:15 PM 5 years ago


 

(UPDATE) Lamitan, Basilan – Sampung katao ang patay, karamihan ay mga sibilyan habang pitong iba pa ang nasugatan sa nangyaring pag-atake ng suicide bomber sa Lamitan City, Basilan kanina (July 31).

Nangyari ang pagsabog ng isang passenger van dakong alas-5:30 ng umaga sa mismong checkpoint ng militar at pulisya sa Barangay Bulanting.

Ayon kay Lt. Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Western Mindanao Command o Wesmincom, kabilang sa mga nasawi ay isang sundalo at apat na miyembro ng Cafgu, apat na sibilyan at ang driver/bomber ng naturang pinasabog na sasakyan.

Dead on the spot ang mga biktima bunsod ng malakas na pagsabog sa mismong lugar ng checkpoint.

Inoobserbahan naman ngayon ang limang sundalo mula sa 9th special forces ng Philippine Army at ang mag-ina na grabeng nasugatan sa pagsabog.

Lumalabas sa report na dumaan ang puting passenger van sa checkpoint at isinakto ng driver ang pagsabog nang Improvised Explosive Device (IED) habang pinahinto ito ng mga sundalo.

Pero ayon kay Besana, kanila pang kinukumpirma kung suicide bombing nga ang insidente dahil maaari umanong pinasabog ng Isa pang suspek na nasa malayong lugar gamit ang remote detonator.

Hawak na din ng mga awtoridad ang kasamahan ng nasawing bomber na isa umanong banyaga at isinailalim sa matinding interogasyon.

Kung makumpirma nga ng mga awtoridad na suicide bombing ang nangyari ay ituturing ito na kauna unahan sa kasaysayan sa bansa. (Jeff Gallos)