Kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila, nanumpa na

Kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila, nanumpa na

June 29, 2022 @ 6:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pormal nang isinalin ni outgoing Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno-Domagoso, kay incoming Mayor Honey Lacuna, ang kapangyarihan na pamunuan ang lungsod ng Maynila.

Kanina nang pormal na manumpa si Lacuna bilang ika-28 alkalde ng Maynila.

Sa kanyang talumpati matapos ang oath-taking ay sinabi ni Lacuna na magiging pangunahing prinsipyo niya sa pamumuno ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng mga residente ng Maynila at malinis na pamamahala.

“Ang aking pagiging isang babae ay hindi kailanman magiging dahilan upang tayo ay (hindi) maging matatag at epektibong lider ng ating bayan,” ani Lacuna.

“Pananaigin natin ang mataas na paggalang sa karapatan ng bawat isa at patuloy na isusulong ang pagkakapantay-pantay, anuman ang kasarian, paniniwala, o kalagayan sa buhay,” dagdag niya.

Samantala, sabi ni Lacuna, isinagawa ang kanyang panunumpa bilang alkalde ng Maynila sa Manila Cathedral dahil nais nitong sa harapan ng Panginoon magpasalamat at magbigay puri dahil ang lahat aniya na nangyaring ito ay bunga ng kanyang perpektong plano.

Pinasalamatan din ni Lacuna ang kanyang ama na si dating Vice Mayor Danilo Lacuna dahil ito ang tumulong sa kanya upang mahalin siya ng taga-Sampaloc na maging konsehal, naging Vice Mayor at dahil din sa kanyang ama ay nagsikap si Dra. Honey na matuldukan na ang matagal na kasabihan na ang mga Lacuna ay pang Vice Mayor lang.

Pinasalamatan din ni Lacuna si Yorme dahil sa tiwala na kanyang ibinigay dito na hindi siya itinuring na “spare tire”.

Hinayaan din aniya siya ni Yorme na gawin ang kanyang trabaho at itinuring siyang “partner” sa lahat ng proyekto at programa na ginawa nito sa tatlong taon na panunungkulan niya bilang alkalde ng lungsod.

Si Lacuna ang kauna-unahang babaeng alkalde ng lungsod.

Samantala, nanumpa na rin rin bilang vice mayor ng lungsod si John Marvin Yul Servo Nieto.

Isinagawa ang panunumpa sa loob ng makaysaysayng Manila Cathedral na personal na dinaluhan ni Mayor Isko at sinaksihan ng kani-kanilang mga pamilya. JCM/ Jay Reyes