Kauna-unahang RORO ship na gawang Pinoy, maglalalayag na

Kauna-unahang RORO ship na gawang Pinoy, maglalalayag na

June 10, 2019 @ 1:55 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Suportado ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang kauna-unahang Filipino-constructed roll-on/roll-off (RoRo) passenger ship kasabay ng ginawang pagpapasinaya nito.

Ang M/V Isla Simara, ay itinayo ng Josefa Slipways Incorporated at Shogun Ships Corporation.

Ito ay may 468-seater na may rampa na 12 metro at may kabuuang haba na 72 metro, breadth na 16 metro at 16 rally cargoes.

Mayroon ding marine evacuation system na dinisenyo para makalikas ang maraming bilang ng mga pasahero na ligtas na may built-in lifesaving apparatus.

Inaasahang maglalayag ang nasabing RoRo sa susunod na buwan na may rutang Matnog-Allen.

Kinilala naman nina Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Maritime Juan Fernando Perez, MARINA-Shipyards Regulation Service (SRS) Director Engr. Ramon Hernandez at MARINA-Enforcement Service (ES) OIC – Director Capt. Rommel Mendoza, ang Josefa Slipways Incorporated at Shogun Ships Corporation sa aktibo nilang pakikipagtulungan sa gobyerno upang itaguyod ang ligtas at mataas na kalidad na mga sasakyang binuo sa lokal, tulad ng ipinakita sa 10-taong Maritime Industry Development Plan (MIDP).

Hinikayat din ng MARINA ang local shipbuilders at ship operators na patuloy ang pagpapabuti ng kalidad ng mga barkong gawa sa Pilipinas para sa pagpapahusay sa industriya ng maritime sa bansa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)