Kaunting pribadong paaralan na nagsasagawa ng F2F classes ikinabahala ni Briones

Kaunting pribadong paaralan na nagsasagawa ng F2F classes ikinabahala ni Briones

May 3, 2022 @ 1:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Ipinahayag ni Education Secretary Leonor Briones ang pagkabahala sa mababang bilang ng mga pribadong paaralan na nagsasagawa face-to-face classes, at sinabing mahirap kumbinsihin ang mga ito na bumalik sa in-person mode of learning.

Sa taped briefing kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Briones na 676 lamang sa halos 16,000 pribadong paaralan ang nagsasagawa ng face-to-face classes, na kumakatawan lamang sa 5.47 porsyento.

Malayo ito sa bilang ng mga pampublikong paaralan na nagsasagawa ng in-person classes, na halos 25,668 paaralan o 56.89 porsyento ng kabuuang bilang ng mga pampublikong paaralan sa bansa.

“The challenge is ‘yung private schools kasi, out of 16,000 private schools, we only  have 676 doing face-to-face, in spite of the fact that they were quite active in demanding face-to-face,” ani Briones.

“Ang private schools, decision nila ‘yun and so we are now aggressively endeavoring to convince them to open at this time,” patuloy niya.

Sinabi naman ni presidential adviser for COVID-19 response Vince Dizon na sa pagkonsulta sa mga pribadong paaralan, napag-alaman na ilang mga magulang ang “quite apprehensive” na isali ang kanilang mga anak sa face-to-face learning.

“There is some resistance from private schools to do face-to-face classes. Some parents in the private schools seem to be quite apprehensive about letting their children go back to school, which of course is the right of every parent,” aniya sa parehong briefing. RNT/SA