Kautusan sa pagpagbebenta, pagbili ng e-cigarette, ilalabas sa Hunyo

Kautusan sa pagpagbebenta, pagbili ng e-cigarette, ilalabas sa Hunyo

May 20, 2019 @ 3:08 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Nakatakdang ilabas ng Department of Health sa Hunyo ang isang administrative order upang i-regulate ang pagbenta at pagbili ng electronic nicotine delivery system (ENDS), kabilang na ang e-cigarettes.

Ayon kay DOH Undersecretary and spokesperson Eric Domingo ngayong Lunes, ang kautusan ay ipatutupad upang mapigilan ang mga menor de edad na makabili nito.

Ang kautusan ay inaprubahan na ng DOH executive committee at kailangan na lang isapinal bago ito pirmahan ni Health Secrertay Francisco Duque.

Ani Domingo, namumuno na ngayon sa FDA kasunod ng pagkakasibak kay dating Director General Nela Charade Puno, ang ahensiya ang nakatakdang mamuno sa regulasyon ng ENDS.

“(The administrative order) is a regulation on the actual product itself and the distribution. Unang-una bawal ibenta sa bata. Bawal i-advertise. hindi pwede yung flavors na attractive to children, at kailangan nakalagay ‘yung contents,” aniya.

Dagdag pa ni Domingo, kahit na kaliwa’t kanan ang mga vaping shop sa buong bansa ay hindi naman aniya ito rehistrado.

Sa ngayon, hindi pa nababatid kung ilang Pinoy ang tumatangkilik sa e-cigarettes ngunit sinasabi na 20 milyong Pinoy ang naninigarilyo at ani Domingo, nais nila itong pababain sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo nito.

“Itong huling Pulse Asia Survey natin, nakita na 24% na naman ng mga adult Filipinos ang naninigarilyo. Dati napababa na natin ito to 22%. Ibig sabihin po dumadami at taon-taon nadadagdagan na naman ng maraming naninigarilyo saka yung nagkakasakit ddami na naman,” aniya.

“So kailangang i-reverse natin itong trend na ito kasi ang goal natin ay less than 15% ng mga Filipino ang smokers para mapababa talaga natin ang sakit.”

Isinusulong ng DOH at Department of Finance ang pagtataas ng ‘sin’ tax sa tobacco at alak upang mapondohan ang kulang na P426 bilyon para sa buo at tamang implementasyon ng Universal Health Care program sa susunod na limang taon./Remate News Team