Kawalan ng ID, hamon sa SIM card registration – Uy

Kawalan ng ID, hamon sa SIM card registration – Uy

January 24, 2023 @ 4:12 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Information and Communications Technology Secretary Ivan John Uy nitong Martes na isa sa mga isyu sa SIM card registration ang kawalan ng identification cards ng mga indibidwal, partikular sa mga naninirahan sa mga liblib na lugar.

“Marami pala tayong kababayan na walang ID lalo na sa mga liblib ang lugar po. How will they now able to register and validate their identity? We need to take that up to our team to address how we are going to validate lalo kung wala naman sila ID,” ani Uy sa Palace presser.

“Never pa sila nakakuha. Hindi naman sila nagmamaneho, walang sasakyan doon so walang driver’s license. Hindi naman sila nagbibiyahe so walang passport. Hindi naka-register sa SSS, sa GSIS, sa PhilHealth, Pag-ibig, wala,” dagdag niya.

Inihayag din ng DICT na sisimulan nito ang assisted SIM registration sa malalayong lugar ngayong linggo, katuwang ang National Telecommunications Commission (NTC).

Gyundin, inilahad ng opisyal na bumaba ang bilang ng nabebentang SIM cards kasunod ng mandatory SIM card registration law/

“Since nag-announce tayo nito, bumagsak ang bentahan ng SIM Cards dahil dati itong mga scammers, itong mga sindikato, bili nang bili ng SIM card tapos tapon,” ayon kay Uy.

“Ngayon alam nilang ‘di na nila magagawa ‘yun so bumagsak ang bentahan ng SIM Cards, which we anticipated that will happen,” dagdag ni Uy.

Ayon pa sa kanya, mas kaunting SIM cards ang ibebenta kapag natapos na ang registration period.

“In terms of local population, the sales will be very, very small once this happens,” ani Uy. RNT/SA