Kawalan ng ideya ni Tulfo sa kakapusan ng social worker, ikinagulat ni Cayetano

Kawalan ng ideya ni Tulfo sa kakapusan ng social worker, ikinagulat ni Cayetano

October 13, 2022 @ 12:34 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Lubhang ikinagulat ni Senator Pia Cayetano ang kawalan ng kamalayan ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo hinggil sa impormasyon sa kakapusan ng social worker sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa kanyang pagdalo sa ginanap na pagdinig ng Senate subcommittee on finance sa 2023 badyet ng DSWD, tinanong ni Cayetano ang ahensiya hinggil sa pakikipag-ugnayan nito sa Commission on Higher Education (CHEd) na tugunan ang kakapusan ng social worker.

“Mr. Secretary, I’m sure you also have been made aware by now that we have a shortage of social workers. Have you made coordination with CHEd particularly on the schools, the supply side, on having enough programs to come up with graduates of social work to be able to fill these very important positions?” giit ni Pia.

Sa kanyang tugon, sinabi ni Tulfo: “I’ll look into that, madam chair, your honor, to your question, your honor, regarding the shortage. But now I’m not aware that we do have a shortage of social workers.”

“But this is my plan, your honor, madam chair, within the next few years or months, if we will have a recruitment or job openings, I will definitely be looking for social workers, madam chair, your honor,” giit ni Tulfo.

Pero pagkatapos ng tugon ni Tulfo, biglang nagulat si Cayetano.

“Madam chairperson, I just want to express na nagulat naman ako d’un sa staff niyo, Mr. Secretary. Kasi I recognize na you just assumed office, wala naman pong problema ‘yun, pero nagugulat po ako na hindi nakarating sa inyo, hindi nagparating sa inyo ng staff niyo na napakalaking problema natin ang shortage ng social workers,” ayon kay Cayetano.

Dahil dito, tiniyak ni Tulfo kay Cayetano na makikipag-usap sila sa CHED upang dagdagan ang bilang ng pamantasan na nag-aalok ng social work course sa buong bansa.

Ibinahagi din ni Tulfo na mayroon silang job openings para sa social workers pero walang nag-apply dahil mababa ang sahod.

Samantala, kinuwestiyon din ni Cayetano ang hinggil sa alokasyon sa National Authority on Child Care (NACC).

Sinabi ni DSWD Undersecretary Antonio Crisanto Jr. na para sa 2023 budget sa alternative child care tulad ng foster care at adoption ay P221 milyon.

Ngunit, sinabi ni NACC Assistant Secretary Arezu Jam na hindi niya nalalaman ang naturang badyet.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Cayetano kung bakit hindi naibabahagi ang impormasyon sa NACC.

Ayon naman kay Tulfo, baka nasa transition period pa lamang sila.

“Ang problem kasi we’re in transition right now pero I do know that we have a budget for that. Hindi ko lang po alam ang exact amount,” ayon kay Tulfo.

Humingi ng paumanhin ang Kalihim sa naturang pagkukulang.

“I apologize, there’s no excuse even though they knew in their position, even my finance undersecretary, I have to talk to them immediately after this,” aniya. Ernie Reyes