KAWALAN NG ‘POTABLE WATER’ TUGUNAN

KAWALAN NG ‘POTABLE WATER’ TUGUNAN

December 19, 2022 @ 1:44 PM 2 months ago


PAHIRAP pa rin sa nakararaming kababayan ang kakulangan ng suplay ng malinis na tubig lalo na sa mga nakatira sa liblib na lugar na pinagtatiyagaang sumalok sa balon, ilog at sapa na pinaniniwalaan naman na marumi at delikado sa kalusugan nila.

Batay sa inilabas na datos ng Listahanan 3,ang kawalan ng suplay ng inuming tubig ng mamamayan ang isa sa batayan na ang lalawigan o rehiyong ito ay sadyang mahihirap ang residenteng nakatira rito.

Lumabas din sa pagsusuri ng DDepartment of Social Welfare and Development sa pamamagitan ng Listahanan 3 na karamihan sa mga kababayan na nakararanas ng kakulangan ng malinis sa tubig ay ‘yung tag- rural area o kabundukang malayo sa kabihasnan.

Bagaman tinugunan na ang suliraning ito ng ahensya noon pa man sa pamamagitan ng mga water rehabilitation facilities sa ilalim ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services katuwang ang barangay at lokal na pamahalaan lalo na sa kasulok-sulukang bahagi ng bansa ngunit kulang pa rin ang mga proyektong ito upang mabigyan ng sapat na potable water ang mga pobreng mamamayan.

Walang kuwestyon sa mga residente sa kabisera ng mga bayan dahil karamihan dito ay nabiyayaan ng Department of Interior and Local Government ng pondong ipinagawa ng dambuhalang tangkeng pinakikinabangan ng mga tagarito ang potable water subalit marami pa rin na lalawigan ang marumi ang sinusuplay na tubig sa mga nasasakupan nito.

Kaya naman ayon sa ilang ekspertong taong gobyerno, kailangan ngayon ang convergence ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaan o pagtutulungan upang makapagpatupad ng mga proyektong ito kabilang ang sharing ng pondo mula sa pagpapatayo ng water impounding facilities hanggang sa pagsusuplay ng malinis na tubig sa mga stratehikong lugar sa bawat barangay kung saan makaka-igib ang mga kababayan natin.

Batid ng sambayanan na limitado ang kwarta ng bawat ahensya kaya naman iminumungkahi rito na pagsama-samahin ang pondo ng gobyerno mula sa konstruksyon ng proyekto hanggang sa pagsusuplay ng tubig sa mga residente upang maibsan ang nararanasang hirap ng karamihan sa mga kababayang tanging ang pamahalaan lang ang tutugon nito.
Sa madaling sabi, ‘water is life’…