Kawani ng DA, kasama patay sa salpok ng kotse

Kawani ng DA, kasama patay sa salpok ng kotse

December 9, 2022 @ 1:04 PM 2 months ago


RAMON, Isabela – Patay ang isang kawani ng Department of Agriculture at kasama nito habang sugatan ang driver matapos salpukin ang sinasakyan nilang Kadiwa truck ng lasing na driver ng kotse at bumangga sa isa pang truck, iniulat kahapon, Disyembre 8 sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Addison Kyle La-ao, empleyado ng Department of Agriculture-Cordillera (DA-CAR), nasa hustong gulang, residente ng Puguis, La Trinidad, Benguet at Karen Briones, magsasaka, miyembro ng Barangay Loakan Organic Farmers Association at residente ng Itogon, Benguet.

Patuloy naman ginagamot sa ospital ang driver ng Kadiwa truck na si Tommy Timoteo, residente ng Itogon, Benguet.

Nadakip naman ang suspek at driver ng Toyota vios na kinilalang si Allan Mark Barroza, residente ng Bugallon Norte, Ramon, Isabela.

Ayon kay Maj Christopher Danao, hepe ng Ramon Police Station, naganap ang insidente sa kahabaan ng Bugallon Proper ng nasabing bayan.

Lumabas sa imbestigasyon, binabaybay ng mga biktima sa nasabing lugar ng bigla na lamang silang salpukin ni Barroza.

Sa lakas ng pagkakasalpok, bumangga pa ang Kadiwa truck sa tailer truck at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan sina La-ao at Briones na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Matapos ang insidente mabilis na tumakas ang suspek subalit agad rin na nadakip ng mga awtoridad isinagawang follow-up operation.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, lasing ang suspek habang nagmamaneho at nagpositibo ito sa alcoholic breath test.

Nahaharap ngayon sa kasong two counts ng Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical injuries and Damage to Properties si Barroza. Mary Anne Sapico