Kawani ng munisipyo, 5 pa kulong sa samu’t saring armas

Kawani ng munisipyo, 5 pa kulong sa samu’t saring armas

May 12, 2022 @ 9:40 AM 1 month ago


LANAO DEL NORTE- ARESTADO ang isang kawani ng munisipyo at lima pang kasama nito matapos silang mahulihan ng mga armas sa ginawang checkpoint ng mga pulis at sundalo, Miyerkules sa bayan ng Sultan Naga Dimaparo.

Kinilala ang mga nadakip na sina Esmail Wali, 42; Adam Tando, 58; Fausto Guinita, 40; Sangbaan Acut, 58, pawang mga taga SND; Resil Revillas at Tristan Baguio, empleyado ng Midsalip municipal at kapwa taga Midsalip.

Ayon kay Maj. Moamar Solog, SND police chief, dumaan ang mga suspek sa SND sakay ng Toyota Hi-lux pickup na may logo ng “Municipality of Midsalip,” at pinara ang mga ito ng mga sundalo at pulis dahil sa ginagawang checkpoint.

Pinababa ang bintana ng mga ito at dito napansin ng mga awtoridad ang mga malaking sako na puno ng kargamento.

Binuksan sa mga ito ang sako at bumungad sa kanilang harapan ang 4 na M16 rifles, M14 rifle, improvised .50-caliber rifle, rocket-propelled grenade launcher, launcher, rifle grenade, 3 .45-caliber pistols, 9mm pistol, .38-caliber revolver, at mga bala.

Habang nakuha naman sa tatlong suspek sa loob ng kanilang sling bag ang 3-45-caliber pistols.

Sa himpilan ng pulisya sinabi ng mga suspek na patungo sila sa munisipyo ng Midsalip para bumoto pero ng tanungin sila kung bakit may mga dala silang armas ay hindi nakasagot ang mga ito.

Nadiskubre rin ng mga awtoridad na ang isa sa mga suspek ay miyembro ng now-defunct criminal group sa Lanao del Norte na sangkot sa kidnapping, gun-running, at gun-for-hire.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at election gun ban ang mga suspek./Mary Anne Sapico