Kawatan nahulog sa bubong, nabalian; swak sa kulungan!

Kawatan nahulog sa bubong, nabalian; swak sa kulungan!

October 8, 2022 @ 9:18 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sa karsel humantong ang isang kawatan nang mahulog sa bubong at mabalian ng binti nang pagnakawan ang isang junk shop sa Valenzuela City.

Kinilala ang suspek na si Wilmer Ocena, 34, ng Barangay Gen. T. De Leon, ng lungsod.

Ayon sa pulisya, naaalimpungatan ang biktimang si Carolino, 19, madaling-araw ng Oktubre 6 dahil sa ingay sa bubong ng kapitbhay ng junk shop sa Que Grande St., ng nasabing barangay.

Nang silipin ay nakita umano ng biktima si Ocena sa bubong bitbit ang kanyang cellphone at iba pang hinihinalang nakaw na na kagamitan.

Patakas na sana ang suspek, ngunit minalas na malaglag sa bubong at pagkalagapak ay nabalian ng binti.

Humingi ng tulong si Carolino at dinakla muna ng mga tanod at pulis si Ocena Valenzuela Medical Center, saka idiniretso sa presinto matapos magamot.

Nabatid na sa bubungan ng junk shop dumaan ang suspek na sinira niya gamit ang bareta at nang makapasok sa junk shop, sa bintana naman siya dumaan papasok sa bahay ni Carolino na katabi ng junk shop.

Nakumpiska kay Ocena, na haharap sa kasong two counts of robbery with force upon things, ang cell phone ni Carolino na P15,000 ang halaga, isang tire wrench na P400 ang presyo, at sari-saring tanso na P350 ang halaga na ninakaw sa junk shop. Merly Iral