KAYA PA BANG HABULIN SI BBM?

KAYA PA BANG HABULIN SI BBM?

January 24, 2022 @ 6:00 AM 8 months ago


SA nalalabing kulang apat na buwan na lamang bago ang halalan para sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan, mahahabol pa kaya ng ibang kandidato sa pagkapangulo ang pangunguna ni dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.?

Pare-pareho ang inilalabas na resulta ng mga survey kung saan may kumakatawan sa mga Pilipinong mula Luzon, Visayas at Mindanao, na si Bongbong Marcos ang siyang magwawagi sa halalan kung isinagawa ito noong panahong kumakalap rin ng datos ang mga survey group.

Halimbawa na lamang dito ang survey na isinagawa ng Pulse Asia noong Disyembre 2021 na nagpakitang 53% sa 2,400 respondents ang nagsabing si Marcos ang ihahalal nila sa pagka-Presidente, malayo sa nakuha ni VP Robredo na 20% lamang at nasa ikalawang pwesto sa resulta nito.

Malayo rin ang agwat ng mga nakukuhang puntos ni Marcos sa iba pang survey, na pinangunahan rin nito, mula sa puntos na nakukuha ng pumapangalawa sa kanyang pwesto. Kaya naman tila ba mas tumitindi ngayon ang labanan sa nasabing posisyon dahil sa bilis ng pag-usad ng panahon ay baka magulat na lang tayo na kinabukasan ay halalan na.

Matutunghayan natin sa mga susunod na kabanata ng halalan-serye kung may pag-asa nga bang makahabol ang iba pang presidentiable sa lakas ng suportang nakukuha ni Marcos sa publiko.

Kung tutuusin, mapapaisip talaga tayo kung bakit nangunguna si Marcos sa mga survey gayong noong 2016 sa pagtakbo nito sa pagka-bise presidente ay si VP Robredo ang nanguna sa bilangan ng boto. Dito na talaga magkakaalaman kung sino ang tunay na sinusuportahan ng taumbayan.

Hindi rin maiisantabi ang iba pang kalahok sa pagka-Presidente na may natatanging karanasan, husay at dedikasyon din pagdating sa pagbibigay serbisyo sa ating mga kababayan. Kaya naman talagang kapana-panabik ang magiging resulta ng halalan sa Mayo 2022 kahit pa sa ngayo’y tila may iniluklok na ang tao para mamuno sa ating bansa.