KBP nais makipag-dayalogo sa PNP

KBP nais makipag-dayalogo sa PNP

October 17, 2022 @ 11:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihirit ng presidente ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP) ang dayalogo sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at media kaugnay ng pagbisita ng mga pulis sa bahay ng ilang miyembro ng media.

Sinabi ni KBP President Herman Basbaño na dapat idaan sa dayalogo ang usapin sa seguridad ng mga taga-media.

“Parang alanganin yun kasi. Tapos biglaan lang, hindi mo malaman may pupunta sayo, hindi mo naman masigurado kung member ng PNP natin yan,” ani Basbaño.

“Talaga may coordination, the best talaga ay siguro idaan sa media entity o sa media office, maybe sa broadcast, maybe sa print o online na mga media group na dapat diyan ang coordination ng mga kapulisan natin no kung hindi sa opisina sa media organization siguro,” dagdag niya. 

“Pero kung may threat talaga of course kailangan talaga na direktang makipag-usap sa member ng media.”

Matatandaang humingi na ng dispensa ang acting director ng Eastern Police District na si Col. Wilson Asueta sa kawani ng media na residente ng Marikina City na una nang binisita ng PNP.

“May mga napuntahan na so merong nag-appreciate, meron ding nag comment. Well of course kung na parang kung privacy ang pinauusapan ah our apology na lang basta it’s not our intention to violate their privacy. Ang kailangan namin maging pro active lang kami sa PNP,” sabi ni Asueta.

Samantala, inihayag ni NCRPO Spokesperson PLt. Col. Dexter Versola na walang profiling or surveillance na ginawa sa mga peryodista.

“Personally, I assure you Sir, there was no profiling done. Nagtanong lang po ang ating mga kapulisan sa ground.”

Patuloy niya, “Kaya ang intention lang is to, magbigay ng mas magandang serbisyo sa ating media personalities. For example na nga lang kung may threat doon, ay i-include na nila doon yung kanilang beat patrol sa lugar na yun.”

Gayundin, tatanggapin umano ng NCRPO ang anumang kaparusahan sakaling mapatunayang lumabag sa Data Privacy Act sa nangyaring insidente.

Ipinaliwanag ni Versola na ang pagbisita sa tahanan ng mga mamamahayag ay upang ipakita ang pagpapahalaga sa kaligtasan ng mga miyembro ng media kasunod ng pagpaslang sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.

“If indeed the Philippine National Police was nagkaroon ng breach, siguro doon magkakaroon ng check sa amin if we will be sanctioned, kung may [violation] ‘yung pagiging pag-serve ng aming trabaho,” ani Versola.

Tiniyak din niya sa publiko na wala silang ibang intensyon at totoo ang “concern” sa pagprotekta sa media personalities. RNT/SA