Kelot arestado sa ‘tangkang pandurukot’ sa 5-anyos

Kelot arestado sa ‘tangkang pandurukot’ sa 5-anyos

September 3, 2022 @ 1:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaking umano’y Anagtangkang dukutin ang isang 5-anyos na lalaki sa pinapasukang paaralan, matapos magpanggap na kanyang ama, ayon sa ulat nitong Biyernes.

Batay sa guro ni “John”, hinihintay nila ang sundo ng bata sa gate ng paaralan bandang alas-11 ng umaga nitong Huwebes nang lumapit ang suspek at magpakilalang magulang ng bata na susundo sa kanya.

“Sabi nya sa bata, ‘Halika ka na, ‘di ba ako yung daddy mo?’ Tapos tinanong ko ‘yung bata, ‘Daddy mo siya? Kilala mo siya?’ Sabi nung bata hindi. Hindi siya lumapit, hindi niya rin nahawakan ‘yung bata kasi hindi ko binigay. Hawak ko ‘yung dalawang balikat niya,” ayon sa gurong si Jeryl Ombid.

Kinilala ang suspek na si Michael Buenaventura, na agad na tumakas matapos ang pagpalya sa kanyang balak. Nakuhanan naman sa CCTV footage ang pag-alis niya. Agad namang rumesponde ang mga opisyal ng barangay.

Subalit, itinanggi ni Buenaventura ang akusasyon,at sinabing biro lamang ito.

“Hindi totoo ‘yun. Hindi ko nga nahawakan ‘yung bata eh. Ang layo-layo ko. Nagbiro lang kasi ako. Kasi sabi nung teacher, ‘Kaninong anak to?’ Napasigaw lang ako ‘Ako, ako ang tatay niyan’,” aniya.

Natakot naman ang biktima at kanyang ina sa insidente.

Ipinaliwanag niya na inihatid ng kanyang kapatid si sa paaralan subalit napasabay sa uwian ng ibang estudyante. Dahil dito, napasama siya sa mga pauwing bata.

“Parang ayoko na sana siya pag-aralin muna kasi nga may trabaho po ako,” pahayag niya.

Pinasalamatan naman ng pamunuan ng paaralan si Ombid sa mabilis na aksyon. Ayon sa paaralan, maghihigpit sila upang hindi na maulit ang pangyayari.

“Sa mga magulang no? See to it na yung mga magulang ang maghahatid, wag iaasa sa iba. Pangalawa, dun naman sa mga teachers, wag na lang basta-basta ibibigay ang mga bata lalong lalo na kung magpapakilalang kamag-anak o magulang,” paalala naman ni P/Lt. Col. Von June Nuyda, Novaliches Police Station Commander. RNT/SA