Kelot binaril, pinugutan ng ulo

Kelot binaril, pinugutan ng ulo

July 8, 2021 @ 12:23 PM 1 year ago


GANDARA, SAMAR -TADTAD ng tama ng bala ng baril at wala ng ulo nang matagpuan ang bangkay ng isang magsasaka, kahapon ng hapon sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Christopher Wahingon,  34-anyos, at residente sa Brgy. Francisco sa bayan ng Gandara Samar.

Batay sa report ng Gandara Municipal Police Station, bandang 5:00 PM natagpuan ang bangkay ng biktima sa may tabing ilog ilang metro ang layo sa tahanan nito.

Lumabas sa imbestigasyon, patungo sana ang biktima sa kanilang sakahan ng bigla na lamang itong harangin ng mga armadong kalalakihan saka pinagbabaril.

Hindi pa nakuntento ang mga suspek at pinugutan pa ito ng ulo.

Ayon naman sa misis ng biktima na si Evangeline, hinanap niya ang mister matapos hindi makabalik nang umalis sa kanilang bahay ng umaga para magtungo sa kanilang sakahan.

Dito, kinumpirma niya ang bangkay ng mister kahit nawawala ang ulo nito.

Sa ngayon nagpapatuloy ang paghahanap sa ulo sa biktima at pagkakakilanlan sa mga suspek para madakip matapos mabilis na tumakas.

Inaalam na rin ng otoridad ang tunay na motibo sa karumal-dumal na krimen./Mary Anne Sapico