Kelot hinampas ng tubo sa ulo ng amain, dedbol!

Kelot hinampas ng tubo sa ulo ng amain, dedbol!

September 26, 2022 @ 12:11 PM 2 months ago


PANGASINAN-Swak sa kulungan ang isang 74-anyos na lalaki matapos nitong hampasin ng steel pipe sa ulo ang kanyang stepson at mapatay sa bayan ng San Fabian ng lalawigang ito.

Kinilala ng San Fabian Municipal Police Station ang suspek na si Teofilo Padilla y Idos, may asawa, residente ng Brgy. Longos Central ng naturang bayan.

Kinilala naman ang biktima na si Gelmar Rebosa y Barcelon, 24, walang asawa, stepson ng supek, residente rin ng naturang lugar.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng San Fabian MPS at base na rin sa pahayag ng mga witness, ang biktima na umano’y nakainom ng alak at ang kanyang amain ay nagkaroon ng pagtatalo doon mismo sa bahay nila.

Tinangka umanong bugbugin ng biktima ang suspek kaya nanlaban ito at hinampas ng steel pipe ang ulo ng biktima sanhi para mawalan ito ng malay.

Naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor.

Ang suspek ay nasa kustodya ngayon ng San Fabian MPS. Rolando S. Gamoso