Kelot isinelda sa pananaksak sa ama at kapatid na babae sa Navotas

Kelot isinelda sa pananaksak sa ama at kapatid na babae sa Navotas

July 5, 2022 @ 12:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Rehas na bakal ang kinasadlakan ng isang binata matapos saksakin ng naputol na hawakan ng walis na gawa sa kahoy ang kanyang tatay at kapatid na babae sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang suspek bilang si Fhelbert Carosca, 39 ng Block 22 Lot 11 Phase 1-B Brgy. NBBS ng lungsod na nahaharap sa kaukulang kaso.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ni PCPL Billy Godfrey Aparicio, dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang insidente sa bahay ng mga biktima at suspek nang sitahin ng kanyang amang si Raymundo, 61, ang suspek makaraang hampasin ng hawakan ng walis na gawa sa kahoy ang kanilang aso.

Nagalit ang suspek at hinataw sa likod ang kanyang ama ng naturang kahoy na naputol sa dalawa at hindi pa nakuntinto ay ilang beses din niyang sinaksak ng kahoy ang biktima na nagawang makailag subalit, nagtamo pa rin siya ng minor injuries.

Nang makita ng kapatid ng suspek na si Maricar, 28, ang kanyang ama na walang kalaban-laban ay tinangka niya itong tinulungan gamit ang isang walang laman na bote subalit, sinaksak din siya ng kuya niya.

Matapos ang insidente, pumasok si Fhelbert sa kanilang bahay at nag-locked sa loob habang humingi naman ng tulong ang mga biktima sa mga tanod at mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 4 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. Boysan Buenaventura