Kelot kulong sa ‘biyaya’

Kelot kulong sa ‘biyaya’

March 5, 2021 @ 12:13 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

ILOCOS SUR – Sobrang kamalasan ang inabot ng isang lalaki matapos na siya lang ang maiwan at maaresto nang salakayin ng mga awtoridad ang grupo ng mga nagsusugal sa isang lamayan sa Brgy. Pudoc East, Tagudin ng lalawigang ito kaninang mga 1:40 ng madaling araw.

Kinilala ng Tagudin Police ang naaresto na si Romeo Barnachea Valdez, 54-anyos, binata, welder, residente ng Brgy. Sawat ng naturang bayan.

Nabatid na isang anti-illegal gambling operation ang agad na ikinasa ng mga miyembro ng Tagudin Municipal Police Station sa naturang lugar matapos umabot sa kanilang kaalaman na may mga grupo ng mga nagsusugal sa isang pinaglalamayang patay sa nabanggit na lugar.

Pagdating ng pulisya sa lugar, agad nilang nakita ang mga grupo ng mga nagsusugal ngunit bago pa man sila nakalapit ay 7 sa mga nagsusugal ang agad na nakatakbo at ang naiwan lang ay si Valdez.

Kinumpiska ng pulisya ang dalawang set ng baraha na ginamit ng mga suspek sa paglalaro ng ‘biyaya’ at pati na rin ang bet money na P2,660.

Si Valdez ay nasa kostudiya ngayon ng Tagudin MPS habang inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang mga pitong nakatakas para maisama sila sa listahan ng sasampahan ng  kasong paglabag sa PD 1602 o Anti-Illegal Gambling Act. Rolando S. Gamoso


  •  
  •  
  •