Kelot kulong sa panghoholdap sa estudyante sa Malabon

Kelot kulong sa panghoholdap sa estudyante sa Malabon

December 23, 2022 @ 3:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Shoot kulungan ang isang lalaki matapos holdapin ang isang Grade 10 student na dadalo ng Simbang Gabi sa Malabon City, Biyernes ng madaling araw, Disyembre 23.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong suspek bilang si Correl Jay-Ar Baltazar, 34, construction worker at residente ng Blk 48 Lot 8, Kaunlaran St., Brgy. NBBN, Navotas City.

Sa imbestigasyon nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Mardelio Osting, habang naghihintay ang 15-anyos na dalagitang biktima sa kanyang kaibigan sa Blk 40, Lapu-Lapu St., Brgy. Longos para dumalo ng Simbang Gabi sa Sta Clara Church dakong alas-4 ng madaling araw nang lapitan siya ng suspek na armado ng patalim sabay nagdeklara ng holdap.

Sa pangamba sa kaligtasan, hindi na pumalag ang biktima nang sapilitang kinuha ng holdaper ang kanyang cellphone bago tumakas subalit, lingid sa kaalaman ng suspek ay palihim siyang sinundan ng dalagita hanggang sa makahingi siya ng tulong sa mga tauhan ng Sub-Station 5 ng Malabon police na nagbabantay malapit sa simabahan.

Kaagad namang rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek at narekober sa kanya ang cellphone ng biktima na nasa P8,000 ang halaga at isang patalim. Boysan Buenaventura