Kelot na nakalimot sa utang pinaalalahanan sa pamamagitan ng taga

Kelot na nakalimot sa utang pinaalalahanan sa pamamagitan ng taga

January 18, 2022 @ 12:35 PM 7 months ago


TOLEDO, CEBU- Sugatan ang isang lalaki matapos tagain ng kanyang kapitbahay dahil sa nakakalimutan nitong utang sa una, kamakalawa ng gabi sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Charlie Benihagan Caro, 32, habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Roel Lee Gepitulan Cabuenas, 27, at kapwa residente sa Sitio Poro, Awihao.

Batay sa report ng Toledo Police Station, dakong 10:30 PM naganap ang insidente sa Lower, Brgy. Awihao, ng nasabing bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nakaupo ang biktima sa harap ng tindahan ng bigla na lamang itong sinugod ng itak ng suspek.

Mabilis naman nasangga ng biktima ang itak kaya tinamaan ang dalawa nitong kamay at mabilis tumakbo saka humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Tumakas naman pauwi sa kanilang tahanan ang suspek subalit bago pa man ito makalayo ay agad siyang nadakip ng mga rumespondeng pulis.

Depensa ng suspek ilang buwan na ang nakalilipas ng umutang sa kanya ang biktima ng P500 dahil natalo ito sa pustahan sa sabong.

“Sa tuwing sinisingil ko siya palagi na lamang niyang sinasabing hindi niya maalala nakautang siya sa akin, kaya ko naman siya pinautang dahil naawa ako sa kanya at natatalo siya sa pustahan at magkapitbahay lamang kami”, ani pa ni Cabuenas./Mary Anne Sapico