Kelot na namaril sa Valenzuela, nasakote

Kelot na namaril sa Valenzuela, nasakote

February 20, 2023 @ 4:51 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Swak sa kulungan ang isang construction worker matapos masakote ng pulisya sa follow up operation makaraang barilin sa ulo ang kanyang nakatalo sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, nahaharap sa kasong frustrated homicide at paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang suspek na kinilalang si Ronnie Ticson, 33, ng Area 4, Pinalagad, Brgy. Malinta.

Ayon kay PCpt Robin Santos, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), dakong alas-5 ng hapon nang magkaroon ng pagtatalo ang suspek at biktimang si Daniel Jeremiah Co, 25, ng Fausto St., Manotoc Subdivision, Brgy. Marulas sa Pinalagad Dumpsite, Brgy., Malinta.

Sa kainitan ng pagtatalo, sinapak umano ng biktima ang suspek sa mukha na naging dahilan upang bumunot ng improvised gun si Ticson at pinutukan sa ulo si Co bago mabilis na tumakas.

Agad na isinugod naman ang biktima sa Valenzuela Medical Center subalit, kalaunan ay inilipat sa East Avenue Medical Center para maoperahan upang matanggal ang nakabaon bala sa kanyang ulo.

Iniutos naman ni Col. Destura sa kanyang mga tauhan ang paghahanap at pag-aresto sa suspek na naging dahilan upang agad magsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng SIDMB at Station Investigation Unit (SIU) sa pangunguna ni PCpt Santos at PLt Armando Delima na nagresulta sa pagkakaaresto kay Ticson at narekober sa kanya ang ginamit na isang improvised gun na may basyo ng bala ng cal. 38 baril.

“Na-background check po namin na may dati nang kaso itong si Ticson, BP-6 [illegal possession of deadly weapon] at robbery po dito sa Valenzuela, at R.A. 9165 [comprehensive dangerous drugs act] naman po sa Caloocan noong 2018,” ani Lt. Delima. R.A Marquez