Kelot na natutulog sa gilid ng kalsada patay sa sagasa

Kelot na natutulog sa gilid ng kalsada patay sa sagasa

January 14, 2022 @ 11:13 AM 7 months ago


Manila, Philippines – Patay ang isang lalaki matapos masagasaan habang natutulog sa kalsada sa bahagi ng Delpan Bridge, Binondo, Maynila.

Kasalukuyan pang inaalam ang pagkakilanlan ng biktima na nakasuot ng itim na jacket at tinatayang nasa edad na 50 hanggang 60 taong gulang.

Batay sa ulat ng Manila Traffic Enforcement Unit, alas 3:45 ng madaling araw nang mangyari ang insidente  sa southbound ng Delpan Bridge.

Binabagtas umano ng suspek na si Michael John Malicdem, 30, binata,

mechanic helper at residente ng  518 Sales St., Barangay 307 Quiapo, Maynila ang nasabing lugar sakay ng minamanehong Mitsubishi Lancer na may plakang BBV 168 nang aksidenteng  masagasaan ang  natutulog na biktima sa kalsada.

Nakaladkad pa umano ang biktima at tumilapon ng 20 metro sa gutter na nagresulta ng agaran nitong pagkamatay.

Nasa kustodiya na ng Traffic ang suspek para sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide habang inilipat na sa  Funeraria Cruz ang labi ng biktima.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)