Kelot na pinabili ng grocery patay sa boga sa kapitbahay

Kelot na pinabili ng grocery patay sa boga sa kapitbahay

January 23, 2022 @ 2:28 PM 8 months ago


TAPAZ, CAPIZ- Hindi inakala ng isang lalaki sa kabila ng pagsunod nito sa utos ng kanyang kapitbahay na mamili ng grocery ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan matapos itong barilin kamakalawa ng gabi sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Rico Gardose, 34-anyos, habang tugis naman ang suspek na kinilalang si Diether Atanacio, 25-anyos, at kapwa residente sa Sitio Imbalabagan, Brgy. Artuz, Tapaz, Capiz.

Batay sa report ng Tapaz Police Municipal Police Station, dakong 10:00 PM naganap ang krimen sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, inutusan ng amang si Butsoy Atanacio ang anak nitong Diether (suspek) na pumunta sa bahay ng biktima para kunin ang ipinabili nilang grocery.

Pagdating ng suspek sa bahay ng biktima bigla na lamang niyang pinagbabaril si Gardose gamit ang 12 gauge shotgun.

Tinamaan sa dibdib at mukha ang biktima na naging sanhi ng agaran kamatayan nito habang mabilis naman tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.

Nagpapatuloy naman ang follow-up investigation ng mga awtoridad sa naturang krimen./Mary Anne Sapico