Kelot naputulan ng paa sa pagtalon sa riles; LRT1 tigil-operasyon

Kelot naputulan ng paa sa pagtalon sa riles; LRT1 tigil-operasyon

August 17, 2022 @ 1:14 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Putol ang kanang paa ng isang lalaki matapos itong magtangkang magpatiwakal makaraan na tumalon ito sa train platform ng Light Rail Transit Line 1 (LRT) sa Caloocan City, Miyerkules ng madaling araw.

Base sa report na nakarating kay Caloocan Police chief P/Col. Samuel Mina Jr., tumalon ang lalaki sa northbound railway ng Monumento LRT Station sa harap ng paparating na train na may body number 1221 na minamaneho ni Silverio Ayat at patungo ng Balintawak Station dakong alas-4:45 ng madaling araw.

Dahil dito, naputol ang kanang paa ng biktima matapos na ma-sideswipe ng tren at nagtamo ng matinding pinsala.

Ayon kay Caloocan Police homicide investigator PSSG Julius Mabasa, kaagad isinugod ang biktima ng rumespondeng Caloocan City Rescue Team sa Jose Reyes Memorial and Medical Center subalit kalaunan ay inilipat ito sa Philippine General Hospital (PGH) kung saan kasalukuyang itong naka-confined sa Intensive Care Unit (ICU).

Ani PSSG Mabasa, ang operation ng train ng LRT Line 1 mula R. Papa Station hanggang Balintawak Station ay pansamantalang sinuspinde subalit agad itong ibinalik sa normal bandang alas-6:20 ng umaga matapos makuha ng isang nurse ng LifeLine 16911 ang naputol na paa ng biktima mula sa rail track. R.A Marquez