Kelot patay sa pikon na kainuman

Kelot patay sa pikon na kainuman

October 19, 2022 @ 12:21 PM 1 month ago


CAPIZ –Patay ang isang lalaki habang sugatan ang pinsan nito matapos silang pagbabarilin ng kanilang ka-lugar na napikon sa gitna ng kanilang inuman nitong Lunes, Oktubre 17 sa bayan ng Pilar.

Kinilala ang nasawi na si Hadjade dela Vega Bernat, 24-anyos habang patuloy naman ginagamot sa ospital ang pinsan nitong si Uldarico dela Vega Alapane, 26, at kapwa residente ng Brgy. San Pedro, Pilar.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Junrey Basquez, nasa hustong gulang at residente ng naturang lugar.

Batay sa report ng Pilar Municipal Police Station, dakong 11:20 PM naganap ang krimen sa Barangay Sta. Fe, Pilar Capiz.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen nag-iinuman ang magpinsan kasama ang suspek sa bahay ng isang alyas ‘Hurong Soriano’ sa Brgy Casanayan, ng nabanggit na bayan.

Habang nasa gitna ng inuman nagbibiruan ang mga biktima at suspek na nauwi sa mainitang pagtatalo pero naawat naman ang mga ito ng iba pa nilang kainuman.

Nagpasya ang suspek na umuwi ng kanilang bahay at hindi pa man nakakalayo ay sumigaw pa itong babalik.

Ilang minuto ang makalipas, nagdesisyon na rin ang mga biktima na umuwi sa kanilang bahay.

Habang naglalakad pauwi ang magpinsan bigla na lamang silang hinarang ng suspek na armado ng armas saka pinagbabaril.

Tinamaan sa paa at likod si Alapane subalit nagawa pa rin nitong makatakbo palayo sa suspek habang napuruhan naman si Bernat sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek dala ang hindi pa mabatid na kalibre armas.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen. Mary Anne Sapico