Kelot pinagbabaril sa inuman, tepok!

Kelot pinagbabaril sa inuman, tepok!

June 2, 2022 @ 7:45 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Patay ang isang lalaki matapos na pagbabarilin habang  nakikipag-inuman sa dalawa niyang kapitbahay sa eskinita ng Barangay Bahay Toro,  Quezon City, kahapon.

Kinilala ang biktima na  si Arnold Fabro Talino,  alyas “Hika”, 40-anyos,  may asawa, walang trabaho, residente ng  Sitio Incenelator, Brgy. Bahay Toro, Q.C.

Kinilala naman ang mga suspek na sina Herbert Fabro Talosig, alias “Lakay”, 40, nakatira sa No. 98 Road 18 Extension, Brgy. Bahay Toro, at Jonathan Terencio, alias “Tisoy”, nasa hustong gulang ng  San Jose Village, Brgy. Bahay Toro, QC.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-3:30 ng hapon  nitong Miyerkules nang maganap ang insidente sa eskinita ng  No. 26  C San Jose Village, Brgy. Bahay Toro, sa lungsod.

Sa imbestigasyon ni PCpl Rasul Monib, masaya umanong nag-iinuman ang biktima kasama si Ezra Angeles at isang nakilalang Mamay nang dumating ang mga suspek.

Nagulat at kumaripas ng takbo sina Ezra at Mamay nang biglang maglabas ng baril si Talosig at pinaputukan ang biktima.

Nang duguang bumgasak si Talino  ay agad na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman sa Quezon City General Hospital ang biktima subalit bandang  alas-5:11 ng hapon ay binawian din ito ng buhay.

Ang biktima ay nagtamo ng dalawang tama ng ‘hindi pa batid na kalibre sa kaliwa at kanang bahagi ng katawan.

Masusing nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng nangyaring krimen habang patuloy pang tinutugis ang nakatakas na mga suspek. Jan Sinocruz