Kelot sinaksak ng kapitbahay na naiingayan

Kelot sinaksak ng kapitbahay na naiingayan

June 28, 2018 @ 4:33 PM 4 years ago


 

Caloocan City – Kritikal ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng kaniyang kapitbahay na nainis sa malakas na boses ng biktima habang nag-iinuman sa lansangan kasama ang kan-yang mga kaibigan sa Caloocan City.

Ginagamot sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng tinamong saksak sa kilikili at pigi si Jeffrey Belong alyas “Musa”, 26 ng Block 48 Phase 1 Package 4 Brgy. 176 Bagong Silang habang pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na si Gabriel Concepcion, 38 na mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.

Ayon sa ulat ng pulisya, kainuman ni Belong ang kanyang mga kaibigan dakong alas-5:45 kahapon sa kalsada nang mainis si Concepcion dahil sa ingay ng mga ito kaya lumabas ito ng bahay at kinompronta ang biktima.

“Naiingayan daw ang suspek sa grupo ng mga nag-iinuman sa tapat ng kanyang bahay kaya lumabas at kinompronta ang biktima,” ayon sa pulisya.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa maglabas ng patalim ang suspek at dalawang beses na inundayan ng saksak sa kilikili at pigi ang biktima.

Matatandaan na ipinag-utos ni President Rodrigo Duterte sa lahat ng local government at pulis opisyal na arestuhin at ikulong ang mga nag-iinuman sa lansangan para sa interes ng peace and order.

Binalaan din ng Caloocan police ang publiko na iwasan ang mag-inuman sa gitna ng kalsada dahil kailangan ipatupad ng mga pulis ang mahigpit na ordinansa sa lungsod. (Rene Manahan)