Kelot tiklo sa nakaw na kable ng PLDT, baril

Kelot tiklo sa nakaw na kable ng PLDT, baril

November 10, 2022 @ 6:26 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Himas-rehas ngayon ang isang lalaki matapos na makumpiskahan ng mga nakaw na PLDT cable wire at improvised na baril habang nagawa naman makatakas ng kasabwat nito Huwebes ng madaling araw, Nobyembre 10 sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Nicolas Torre III ang nadakip na si Francis Ivan Mangalos, 28 anyos, residente ng Sapucoy St. Brgy. Manresa, Q.C., habang nakatakas naman ang kasabwat na nakilalang si Jhong Escarda, residente ng Brgy. Pag-ibig Sa Nayon, sa lungsod.

Ayon kay La Loma Police Station (PS 1) Station Commander PLTCOL Garman Manabat, bandang 1:00 ng madaling araw, nang madakip ang suspek sa harap ng 4AC Truck Parts Trading na matatagpuan sa kahabaan ng A. Bonifacio Ave. corner Marvex Dr., Brgy. Pag-ibig Sa Nayon, Q.C.

Narekober kay Mangalos ang 25 pirasong putol-putol na PLDT copper cable wire na humigit-kumulang siyam na metro ang haba na nagkakahalaga ng P10,702.00, lagare, sako, at isang ‘di pa batid na kalibre ng baril.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o illegal Possession of Firearm and Ammunition at R.A. 10515 o Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013 ang nasabing suspek. Jan Sinocruz