Kelot timbog sa machinegun ammo sa Comelec gun ban

Kelot timbog sa machinegun ammo sa Comelec gun ban

February 8, 2022 @ 8:25 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang isang tricycle driver dahil sa paglabag sa Commission on Elections (Comelec) gun ban sa kabila nang wala itong dalang baril ngunit nakuhanan naman ng nasa 50 piraso ng bala ng .50-caliber machinegun.

Sa isang panayam noong Lunes, sinabi ni Lt. Melvin Laguting, hepe ng pulisya ng bayan, na inaresto ng mga pulis sa checkpoint ang suspek na kinilalang si Kamarudin Usop Gulo, 32, ng Barangay Kitango.

Sinabi ni Laguting na si Gulo ay nagmamaneho ng tricycle, na tinatawag na β€œpayong-payong”, at tinigil sa checkpoint sa Barangay Lower Salbu pasado alas-4 ng hapon. Linggo.

Habang nagpapatuloy ang inspeksyon, tila hindi mapakali at umiiwas si Gulo, na nagtulak sa mga tauhan ng pulisya na siyasatin ang u-box ng kanyang motorsiklo.

Dito na tumambad ang nasa 50 piraso ng bala para sa isang .50-caliber machinegun. Tumanggi si Gulo na sabihin kung saan niya nakuha ang mga bala at kung kanino niya dadalhin ang mga ito.

Sinabi ni Laguting na si Gulo ay sinampahan ng kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at ang election gun ban law.

“Siya ngayon ay nakakulong at kinasuhan na,” ani Laguting.

Tinitignan naman ang posibilidad na suplayer si Gulo ng mga bala sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Kasama kasi sa trademark ng BIFF ang .50-caliber Barret sniper rifles, ayon naman sa isang pulis na hindi na nagpakilala.

“Maaaring nakuha niya ang mga bala sa pamamagitan ng black market ngunit ang pulisya ay nag-iimbestiga pa rin,” sabi niya. RNT