Kelot tinarakan sa dibdib sa inuman

Kelot tinarakan sa dibdib sa inuman

December 29, 2022 @ 9:42 AM 1 month ago


TALISAY, Batangas- NAKABAON pa ang kutsilyo sa dibdib ng isang helper matapos saksakin ng suspek na umano’y may matinding galit sa una, sa araw mismo ng Pasko sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Jomar Caguicla, 45, at residente sa Barangay Caloocan, Talisay ng nasabing lalawigan.

Batay sa report ng Talisay Police Station, nag-iinuman ang biktima kasama ang mga kaanak habang nagkakantahan sa videoke.

Bigla na lamang sumulpot ang suspek na may bitbit ng kutsilyo at sinaksak sa dibdib ng dalawang beses at ang huli at ibinaon ang kutsilyo.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek at inilarawan lamang ito ng saksi na nakasuot ng kulay asul na long sleeves, asul na shorts at bonnet.

Ayon kay Police Lieutenant Gomer de Guzman, Talisay Police Station deputy chief of police, posibleng matindi ang galit ng suspek sa biktima at hindi na rin ito namalayan ng mga kasama ni Caguicla dahil abala sila sa pagkanta sa videoke.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nabanggit na krimen para sa pagkakakilanlan sa suspek at managot sa krimen./Mary Anne Sapico