Kelot todas, batang babae sugatan sa pamamaril sa QC

Kelot todas, batang babae sugatan sa pamamaril sa QC

November 28, 2022 @ 6:19 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang kapitbahay na batang babae sa naganap na pamamaril kagabi, Nobyembre 27 sa Quezon City.

Kinilala ang namatay na si Orlando Cominguez, 49 anyos, walang asawa, residente ng No. 27 L Road 23, Brgy. Bahay Toro, Project 8, Q.C.

Sugatan naman si Janna Nicole Masinop Mallilin, 15, Grade 9 student, at nakatira sa No. 27 M Road 23, Brgy. Bahay Toro, Project 8, Quezon City.

Agad na tumakas ang suspek na nakilalang si Richmond Mallari Dalisay, alias “Richmond Roco”, 24, at naninirahan sa No. 27 NPC, Ambuklao Brgy. Baesa, sa nasabi ring lungsod.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Project 6 Police Station 15 (PS-15), bandang 9:15 ng gabi (November 27), nang maganap ang insidente ‘di kalayuan sa tahanan ng biktimang si Cominguez.

Sa imbestigasyon ni PSSg Alvin Bolastig, naglalakad umano ang biktima patungo sa kaniyang bahay habang ang suspek ay nakaupo naman sa bangketa.

Nang malapit na si Cominguez ay tumayo ang suspek at biglang sinuntok ang biktima dahilan upang bumagsak ito sa semento.

Agad na tumayo ang biktima pero hindi pa nakuntento ang suspek ay bumunot pa ito ng baril saka sunod-sunod na malapitang pinaputukan si Cominguez na nagresulta sa agaran niyang pagkamatay.

Tinamaan naman sa kanang binti ng ligaw na bala si Mallilin na nakaupo sa bangko malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril habang patuloy pang tinutugis ang salarin. Jan Sinocruz