Kelot utas sa kutsilyo ng pinsan

Kelot utas sa kutsilyo ng pinsan

July 9, 2021 @ 7:01 AM 1 year ago


ILOCOS SUR – Patay  ang isang 53 –anyos na lalaki matapos na pagsasaksakin ng kanyang pinsan Brgy. Amguid, Candon City ng lalawigang ito kahapon.

Kinilala ng Candon City Police  ang biktima na si  Antonio Galutan y Tabuso, walang asawa,  residente ng naturang lugar.

Ang suspek ay nakilalang  si Felimon Galutan y Garringo , 71, PWD, may asawa, 2nd cousin at kapitbahay ng biktima.

Sa ibinigay na salaysay sa pulisya ni Eduardo Uduyan y Ponce, 41, may asawa, residente rin ng nabanggit na lugar, nakarinig umano siya ng malalakas na sigaw mula sa bahay ng suspek.

Nang puntahan niya  at tingnan ay bumungad sa kanyang paningin ang biktima na nakabulagta at duguan habang sa tabi nito  ay nakita niyang nakaupo ang suspek.

Agad namang rumesponde ang mga miyembro ng Candon City Police doon sa lugar matapos na maitawag sa kanilang himpilan ang nangyaring krimen.

Kung ano ang eksenang nadatnan ni Uduyan ay ganoon na ganoon din ang naratnan ng mga rumespodeng police.

Ang biktima na nagtamo ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ay agad na  isinugod sa Candon City Hospital pero idineklerang dead-on-arrival  ng umatending doktor.

Arestado naman ang suspek at ngayon ay nasa kustodya ng Candon City Police Station.

Narekober ng mga pulis ang ginamit na kutsilyo ng suspek na may habang 16 pulgada kasama ang handle.

Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng  mga otoridad kung ano ang puno’t dulo ng away ng dalawa. Rolando S. Gamoso