Key projects ng DENR, tuloy kahit nagbitiw si Cimatu

Key projects ng DENR, tuloy kahit nagbitiw si Cimatu

February 20, 2022 @ 2:40 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Magpapatuloy ang mga key projects ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kahit pa nagbitiw na sa pwesto ang kalihim nito na si Roy Cimatu noong Biyernes.

Kabilang sa mga proyektong ito ay ang partnership ng DENR at Department of National Defense para sa pagtatayo ng cannon replica sa Roxas Boulevard Baywalk sa Maynila at ang rehabilitasyon ng Marikina Watershed.

Ang pagkumpleto at pagpapasinaya ng Fort Drum Island cannon malapit sa Remedios drainage outfall ay gaganapin sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan sa Abril 9 upang magsilbing pisikal na paalala sa pangako ng DENR na ayusin ang Manila Bay.

Ang Fort Drum Island, o mas kilala bilang “El Fraile Island,” ay isa sa apat na islang matatagpuan sa bunganga ng Manila Bay na nagsisilbing linya ng depensa at pumrotekta sa Maynila mula sa pagsalakay ng mga Espanyol noong World War II.

“This landmark shall depict the three battles in Manila Bay: the Spanish-American War, Japanese-American War and now, the modern battle for Manila Bay,” saad ng DENR sa inilabas nitong news release kahapon.

Ang cannon replica ay may sukat na 19.04 cubic meters, habang ang orihinal na barrel ay 37 talampakan at may bigat na 10 tonelada.

Itatayo ito sa 251.1-cubic meter concrete platform.

Samantala, nakipagtulungan naman ang DENR-Calabarzon sa ilang non-government organizations (NGOs) para sa rehabilitasyon ng Marikina Watershed sa pamamagitan ng paggamit ng bamboo planting materials.

Saklaw ng programa ang 20 ektarya sa loob ng Marikina Watershed, na ipapamahagi sa ilalim ng Enhanced National Greening Program ng DENR.

Pebrero 16 nang lagdaan ng Rotary International District 3830, Samahang Kawayan ng Karugo Agri Farmers Association, Philippine Bamboo Foundation Inc., at ng DENR Calabarzon sa pangunguna ni Executive Director Nilo Tamoria ang MOA para sa mabigyan ang mga katuwang sa programa ng pagsasanay sa bamboo production technology at agro-forest upang makapagtatag ng bamboo social enterprises habang nagpapalago ng mga pananim.

“Bamboo is not just an alternative to construction materials but it also helps in mitigating climate change. This is why I am pushing for the creation of mini bamboo forests in the country which will also spur a vibrant bamboo lumber industry,” saad ni Cimatu.

Kasabay nito, pinangunahan din ng DENR at ng Rotary International District 3830 ang turnover ng tseke na nagkakahalaga ng P1 milyon sa Samahang Kawayan ng Karugo Agri Farmers Association para pondohan ang proyekto.

Ang proyekto ay pinasimulan ng Philippine Bamboo Industry Development Council at ng Task Force Tayo Ang Kalikasan.

Ang Marikina Watershed ay ang siyang kumokontrol sa daloy ng tubig at binabawasanang panganib ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa mabababang lungsod tulad ng Marikina.