Kidnapper, rapist, kotong cops yariin agad

 Kidnapper, rapist, kotong cops yariin agad

July 18, 2018 @ 7:22 PM 5 years ago


Nakaugat talaga ang kademonyohan sa ilang pulis.

Akalain mo bang, dinoble na sahod ng mga ito, nagpapatuloy pa rin sila sa paggawa ng krimen para magkapera.

Kidnapping, extortion at iba pa.

 

MUNTINLUPA POLICE

Kabilang sa mga pinakahuli may kaso ang walong Muntinlupa police na nakatalaga sa drug enforcement unit ng nasabing police station.

Naaktuhan ang apat na pulis na sina SPO1 Psyo Joe Jimenez, PO3 Romeo Par,  PO2 Farvy de la Cruz and PO1 JonJon Averion sa pagtatago ng kanilang kinidnap na mag-ina sa kunwaring kasong droga.

Idineklara na rin ni National Capital Region Police Office Guillermo Eleazar sina Inspector Mark Kevin Pesigan na hepe ng DEU, SPO1  Edgardo Zervoulakos , PO3 Charlie Miranda at PO3 Rhoderick Salvador na absent withour leave makaraang tumakas ang mga ito para hindi madakip.

 

PATI HEPE SIBAK DIN

Sinibak na rin sa pwesto ang hepe ng Muntinlupa Police na si Senior Superintendent Dionisio Bartolome.

Unang inakusahan ng droga ang ginang at ni-raid ng mga police ang tahanan nito at ng ka-live in nito na isang foreman.

Makaraang limasin ng mga pulis ang mga salapi, alahas at gadget ng mga biktima, tinangay nila ang babae, kasama ang paslit na anak nito saka pinatubos ng halagang P400,000 ngunit natawaran ang ransom sa P40,000.

Narekober ang mga biktima mismo sa malapit sa istasyon ng mga pulis.

 

IBANG BIKTIMA LUMUTANG

Matapos ang pangyayari, lumutang na rin ang iba pang mga biktima ng apat.

At naging pareho ng estilo ang mga pulis na paniningil ng malaking halaga ngunit natatawaran bago nila pakawalan ang kanilang mga biktima.

Halimbawa rito sina Edgar Paladin at Jhun Gonzaga na hinuli nitong Hulyo 3 lamang dahil pa rin umano sa droga.

Inaresto sila ni SPO1 Jimenez.

Humingi umano ang pulis, kasama ang isang Moises ng P50,000 bawat isa kina Paladin ngunit natawaran nila ng halaga sa P15,000.

Ngunit nang hindi makapagdala ng salapi ang misis ni Paladin, sinampahan na ng kaso ang dalawa.

 

MANILA COPS

Nitong Hunyo 29 lamang din, mismong si Manila Police District Director Rolando Anduyan ang nang-entrap sa mga pulis nitong sina Police Officers 1 Radam Manglicmot, Edmar Cayanan and Jeff Pee Caaguas na nakatalaga sa MPD-Station 5.

Humingi sina Manglicmot ng P300,000 para sa paglaya ng mga inaresto nila sa pagsusugal ngunit inakusahan sila ng pagdodroga.

Natawaran nila ang halaga sa P50,000 at dito naganap ang pag-entrap sa kanila.

 

MASAKIT

Ang masakit dito, anak ng tipaklong, nagpanggap pang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency sina Manglicmot.

Siyempre, nasira ang ngalan ng PDEA dahil sa mistulang pangingidnap at pangongotong at pagnanakaw na mga pulis na ito.

Pero ang higit na nakatatakot, hindi na nila inilayol ang kanilang paggawa ng krimen.

Ang Manila cops, mismo sa kanilang istasyon isinagawa ang kanialng krimen.

Ganito rin ang nangyari sa kaso ng mga pulis Muntinlupa.

Sa compound natagpuan ng police narekober ang mag-ina nilang biktima.

Sa ganitong kalagayan, nakatatakot na ang mga pulis dahil tahasang ginagamit nila ang kanilang position at istasyon sa paggawa ng kidnapping, robbery at extortion.

 

NI-RAPE NI KERNEL

Ito namang si Acting Chief of Police Supt. Lorenzo Kim Cobre ay sinibak na sa pwesto at sinampahan na ng kasong administratibo at kriminal.

Ni-rape umano nito ang isang 18 anyos na detenido sa droga.

Kunwari nagpamasahe noong Hulyo 3 ng gabi si Cobre pero ginahasa niya umano ang dalaga.

Makaraang magsumbong ang biktima sa mga magulang nito, agad na pinatawag at sinibak si Cobre ni S/Supt. Chito Bersaluna si Cobre.

Napatunayang nangyari ang krimen makaraang makitaan ang dalaga ng bago pa lang na pilas kanyang kabirhenan.

Nakakulong na si kernel at tumatakbo na ang kasong inihain laban sa kanya.

 

MARAMING KAPALIT

Sinasabi nina Philippine National Police chief Oscar Albayalde at NRCO chief Eleazar na wala silang sasantuhin at aaksyunan agad nila ang mga kaso ng mga pulis.

Sabi nila, libo-libo ang papalit sa mga ito para malinis lang ang buong PNP sa mga iskalawag na rapist, kidnapper, extortionist, robber at abusado sa tungkulin.

Naniniwala tayo sa kanilang pagiging seryoso, mga Bro.

Ang dalawang hepe ng pulis na ito ay maaaring hindi na natutulog sa kababantay sa kanilang mga abusado at kriminal na mga tauhan.

At mismong heneral na rin ang nang-eentrap mismo sa kanilang mga tauhan gaya ni Hen. Anduyan.

Binabati natin ang mga heneral na ito na lumalabas sa kani-kanilang mga opisina upang isagawa lang ang kanilang mga tungkulin at personal sila kumikilos.

Sa ganitong ginagawa ng mga heneral, pasasaan at pasaan ang pagtitiwala ng mamamayan sa pulisya kundi sa buong PNP at sa buong pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte. – ULTIMATUM NI BENNY ANTIPORDA