Kiefer ‘di iiwan ang Gilas kahit naglalaro sa Japan

Kiefer ‘di iiwan ang Gilas kahit naglalaro sa Japan

June 6, 2021 @ 12:02 AM 2 years ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ni Kiefer Ravena na tuloy ang kanyang paglalaro sa Gilas Pilipinas kahit pa pumirma na ito ng kontrata sa Shiga Lakestars sa Japan B.League.

Ayon kay Ravena wala umanong magiging hadlang sa kanyang paglalaro sa Japan dahil binigyan umano siya ng basbas ng kanyang koponan bago niya pirmahan ang kontrata sa Shiga.

Sa kanyang post sa FB, pinasalamatan nito ang Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pangunguna ni Al Panlilio dahil sa kanilang walang humpay na suporta sa kanya sabay bigay ng paniniguro na lalahok ito sa Gilas Pilipinas program kahit pa nasa abroad na siya.

“To Boss Al Panlilio and SBP, I appreciate the support from the start. I would like to give my assurance that I remain fully committed to the Gilas Program,” ani Ravena.

Dadalhin ng 27-year-old na si  Ravena ang kanyang talent sa Japan matapos pumayag na maglaro sa Shiga Lakestars sa Japan B.League sa pagsisimula ng 2021-2022 season.

Kahit noong kanyang kabataan at amateur days, todo na ang suporta niya sa national basketball team kahit pa man bago ito pumasok sa PBA.

Noong 2019, naitala ni Ravena ang kanyang pang-limang Southeast Asian Games gold medal matapos maging bahagi ng all-pro team sa Manila.

Sumabak din si Ravena sa FIBA competitions kasama ang pinaghalong pro-players at amateur standouts. Rico Navarro