Kiefer Ravena lalaro na rin sa Japan B-League; PBA, NLEX umalma

Kiefer Ravena lalaro na rin sa Japan B-League; PBA, NLEX umalma

June 2, 2021 @ 5:06 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Isa-isa nang lumalayas sa Philippine Basketball Association (PBA) ang mga manlalaro nito matapos pumirma ng kontrata si NLEX Road Warriors star Kiefer Ravena para maglaro sa Japan B-League sa koponan ng Shiga Lakerstars.

Hindi naman nagustuhan ni PBA Commissioner Willie Marcial ang naging pagpirma ni Kiefer ng kontrata sa B-League dahil hindi umano siya pwedeng maglaro sa Japan hanggang hindi natatapos ang kontrata sa Road Warriors.

“Ang sa akin lang, hindi pwede ‘yan,” ani Marcial.

Nilinaw ni Marcial na hindi pa pwedeng maglaro sa Japan si Ravena hanggang nasa ilalim pa ito ng kontrata ng NLEX at kahit pa nakirpirma na ito ng  kontrata sa Shiga.

“Hindi pa pwedeng maglaro si Kiefer sa Japan hanggang may kotrata pa ito sa NLEX,” ani Marcial. “May kontrata pa siya sa NLEX so hindi talaga ‘yan pwede.”

“As a commissioner, sinasabi ko, hindi ‘yan pwede kasi nasa Uniform Players Contract (UPC) siya ng PBA na isang sistema na hindi siya pwedeng maglaro sa liga na hindi kinikilala ng PBA. May obligasyon siya sa NLEX.”

Idinagdag pa ni Marcial na nitong Lunes lamang siya inabisuhan ni Kiefer na pumirma na ito ng kontrata sa Japanese ballclub upang maging pangalawang Pinoy player na maglalaro bilang import sa B-League kasunod ng kanyang nakababatang kapatid na si Thirdy.

Isa si Ravena, 27, sa inaasahan ng Road Warriors at sasandigan umano ng team sa pagbubukas ng bagong season ng PBA.

Ayon kay Marcial, kailangan muna umano niyang kausapin nang masinsinan si Kiefer at ang NLEX management kaugnay sa problema dahil maaaring magkaroon ng demandahan sa isyu.

“Mag-uusap kami about sa nangyayari and malamang, may consequences ‘to but tignan natin. ‘Di ko pa masabi lahat ngayon kasi lately ko lang din nalaman,” ani Marcial.

Sakaling matuloy ang planong paglalaro ni Kiefer sa Japan, hindi na ito makalalahok sa season 46 ng PBA na inaasahang magbubukas sa June of sa July.