Kiko: ‘Di pa tapos ang laban

Kiko: ‘Di pa tapos ang laban

May 10, 2022 @ 12:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi pa susuko ang kandidato sa pagka-bise presidente at si Senador Francis “Kiko” Pangilinan.

Sinabi ni Pangilinan, na running mate ni Vice President Leni Robredo, na laging mananaig ang katotohanan, dahil tumanggi siyang yumuko sa laban.

“Bukas, paggising natin at sa susunod na mga umaga, mahirap pa rin ang ating mga magsasaka at mangingisda. Hindi pa rin makakapangisda sa sarili nating karagatan ang ating mga mandaragat. Ipagtatabuyan pa rin ng China,” saad sa tweet ni Pangilinan.

“Hindi pa rin maibabalik ang ninakaw ng Pharmally. Patuloy pa rin ang smuggling ng gulay. Mataas pa rin ang presyo ng pagkain. Marami pa rin ang gutom. Hindi pa tapos ang laban.”

“Hindi pa tapos ang bilang. Sa ilang mga presinto, hindi pa tapos ang botohan. May mga tanong tungkol sa proseso na hindi pa nasasagot,” anang vice presidential bet.

“Hindi pa tapos ang laban. At dala nating sandata sa laban bukas: ang walang katulad na ginising nating kilusan. Ang kilusan ng bolunterismo, ng bayanihan, ng pakikipagkapwa, ipagpatuloy natin,” aniya.

Inilabas ni Pangilinan ang pahayag, ilang sandali matapos makipag-usap si Robredo sa kanyang mga tagasuporta noong Martes ng umaga, Mayo 10, habang napanatili ng pinakamalapit na karibal na si dating Senador Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang kalamangan sa pagka-Pangulo.

Pagdating naman sa Vice Presidential race, si Mayor Sara Duterte ay may napakalaking agwat na lamang ng boto kay Pangilinan. RNT