Kiko, Risa dismayado sa SONA ni PDU30

Kiko, Risa dismayado sa SONA ni PDU30

July 27, 2020 @ 7:48 PM 3 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Ikinadismaya ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na walang binanggit sa State of the Nation Address (SONA) si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga kongkretong plano upang labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19),  kung paano maiibsan ang gutom at paglikha ng trabaho.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Senador Risa Hontiveros na sa halip ilantad ang kumprehensibong plano vs COVID-19, walang ginawa ang Pangulo kundi batikusin ang oposisyon at media.

“Sa gitna ng pinakamatinding krisis na kinakaharap ng bansa, hindi nabanggit ang kongkretong mga plano para matigil ang tuloy-tuloy na pagkalat ng COVID, mga planong maibsan ang gutom at kawalang-trabaho ng milyun-milyong mamamayan, at mga plano para tugunan ang mga hindi naabot na mga target para sa mass testing at contact tracing,” ayon kay Pangilinan.

Sinabi pa ni Pangilinan na hindi nabanggit kung paano papabilisin ang pangalawang ayuda na hanggang ngayon di pa natatangggap.

“Hindi rin sinagot ang laganap na kurakot at katiwalian sa PhilHealth, mga overpriced na medical equipment.”

“Dapat sana dahil sa katiwalian sa PhilHealth inanunsyo nya ang pagsibak kay Duque at mga opisyal ng PhilHealth. Dahil dito mukhang hindi pa rin matutugunan ang problema ng kumakalat pang COVID at yung kaugnay na pagbagsak ng ekonomiya,” ayon sa senador.

Samantala, ipinaalala naman ni Hontiveros kay Pangulong Duterte na dapat unahin ang pandemya at pagbabangon ng ekonomiya sa ginanap na ikalimang State of the Nation Address (SONA)

“Mas pinalalala ng krisis sa pamamahala ng gobyernong ito ang krisis sa COVID-19. Instead of laying down a comprehensive plan for the country to combat COVID-19, the President opened his SONA by assailing his critics and ranting about his personal grudge against the media. Clearly, walang maayos na plano,” ani Hontiveros.

“Gusto ko lamang ipaalala:

Mr. President: COVID-19 ang kalaban, hindi ang taumbayan.

Mr. President: COVID-19 ang kalaban, hindi ang mga aktibista.

Mr. President: COVID-19 ang kalaban, hindi ang media,” aniya.

Naniniwala si Hontiveros na hindi SONA ang SONA ni Pangulong Duterte, hindi ito kasalukuyang kalagayan ng bansa, kahit address.

“Hindi iyon ang totoong estado ng bansa.”

“Sa umpisa palang ng talumpati ng Pangulo, puro pagbanat sa mga oligarchy ang siniwalat ngunit sino ang papalit sa mga oligarchies na na-dismantle niya kuno? The oligarchies clustered around the president himself. The president makes no promise unchain government from serving vested interests,” giit ng mambabatas.

Sinabi pa ni Hontivero hindi man lamang binanggit ni Pangulong Duterte ang health at economic roadmap upang malampasan natin ang pandemya.

Hindi rin umano direktang tinugunan ang isyu sa kawalan ng trabaho at gutom, pero ang inunang isyu ang death penalty, drug war, at kung anu-ano pa, ayon sa senadora.

“Maliwanag na na-mishandle ng gobyerno ang pag-responde sa pandemya. The government wasted the past four months of lockdowns and community quarantines. Sa lahat ng ito, kailangang may managot,” paliwanag ng mambabatas.

Aniya, kailangan ni Duterte na making sa mamamayan.

“Mabuti pa si Xi Jinping pinakikinggan at nakakausap ng Pangulo. Pero nakausap ba niya ang mga ordinaryong Pilipino para malaman ang hinaing nila sa gitna nitong krisis?”

“Tama na ang pamumulitika sa pandemyang ito. Panahon na para magkaisa laban sa COVID-19. Ngunit para umusad, kailangang may pag-ako ng pagkukulang. Kailangang ding may pagkilala ang gobyerno na ang COVID-19 crisis ang pinakamalaking problemang kinakaharap natin ngayon. At ang kawalan ng simpatiya, plano, at kakulangan ng liderato mula sa pamahalaang ito ang pumapangalawa,” ayon kay Hontiveros.

“Liwanag ang kailangan ng mamamayan, ngunit mas lalo lang tayong nalito at nadismaya,” giit ng mambabatas. Ernie Reyes

 


  •  
  •  
  •  

Loading...