Kiko sa publiko: 80 araw na lang, magparehistro na

Kiko sa publiko: 80 araw na lang, magparehistro na

July 12, 2021 @ 5:49 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Francis “Kiko”Pangilinan ang lahat ng botante na magparehistro upang makaboto at gamitin ang karapatan sa impormasyon at hanapbuhay.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilnan na may nalalabi pang 80 araw upang magparehistro para sa susunod na halalan kaya’t nararapat lamang na huwag sayangin ang sagradong karapatan ng bawat mamamayan para sa kinabukasan ng bansa.

“Mga 80 days na lang at tapos na ang voter’s registration. Pinaalala nito ang halaga ng eleksyon habang inaalala natin ang isang taong wala na ang ABS-CBN,” ayon kay Pangilinan.

Aniya,nangyari  ang pasya sa gitna ng pandemya kung saan dalawang bagay ang kailangang-kailangan: impormasyon at trabaho.

“Maraming lugar ang nawalan ng access sa impormasyon dahil sa kagustuhan ng iilan. Nawalan ng trabaho ang maraming taga-ABS-CBN kung kailan pa ang kailangan nila ang trabaho at kailangan natin ng kanilang trabaho.,”  giit ni Pangilinan.

“Buti na lang, hindi nagpapatinag ang ABS-CBN,” dagdag niya.

Ayon sa mambabatas na habang naghahatid pa rin ng balita ang ABS-CBN sa gitna ng maraming hadlang, tayo rin ay tuloy-tuloy pa rin ang panawagan na bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.

“Pero may isa pang paraan para maibalik ang ABS-CBN sa ere: Ilagay sa puwesto ang mga tamang tao sa 2022,” ayon sa senador.

“Magparehistro para makaboto at pumili ng mga lider na gagawa ng mga desisyon hindi dahil sa sariling kapakanan pero para sa tao. At dahil ito ang tamang desisyon,” dagdag ng mambabatas.

“Meron na lang tayong 80 araw para maabot ang marami para hindi na ulit ito mangyari,” patapos ni Pangilinan. Ernie Reyes