Kilabot na holdaper, nasakote sa SJDM

Kilabot na holdaper, nasakote sa SJDM

September 24, 2022 @ 3:36 PM 2 months ago


Bulacan- Arestado ang umano’y kilabot na holdaper na nambiktima ng isang 40-anyos na binatang contractor sa follow -up operation ng pulisya sa San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang suspek na si Anthony Cupay, 25, jobless, habang ang biktima ay itago sa pangalang “JS”, kapwa residente ng Brgy. Kaypian.

Sa report ni SJDM Acting chief of police, PLTCOL Ronaldo Lumactod Jr, nangyari ang insidente bandang ala-1 ng hapon nitong Setyembre 23, sa naturang lugar.

Ayon sa report, naglalakad pauwi ang biktima nang harangin, tutukan ng kutsilyo ng suspek at nagdeklara ng hold-up.

Sapilitang kinuha umano ng suspek ang cell phone sa bulsa ng biktima at mabilis na tumakas sa lugar.

Dahil dito, nagsumbong ang biktima sa kalapit na presinto na agad nagsagawa ng follow-up operation kaya nahuli ang suspek at narekober ang cellphone.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang naarestong suspek ay sangkot sa serye ng nakawan sa naturang barangay at kalapit lugar.

Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III