“KILABOT” NG INDIAN TRADERS LAGLAG SA CAVITE COPS

“KILABOT” NG INDIAN TRADERS LAGLAG SA CAVITE COPS

October 5, 2022 @ 4:47 PM 2 months ago


SA dami nang nahuhuling wanted person sa nagdaang dalawang linggo, tila baga nagpapasiklaban ngayon ang iba’t ibang unit ng Philippine National Police.

Kapuna-puna na isa-isang nalalaglag sa patibong ng mga pulis ang mga kriminal na may ‘warrant of arrest’ kaya ‘ good news’ ito sa mga kritiko ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr.

Kamakailan kasi ay sinabi ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na “walang asim, walang arrive” ang kasalukuyang liderato ng PNP na tila pangungutya ng mambabatas kay Azurin.

Masakit sa tenga ang binitawang salita ni Dela Rosa, dating PNP chief na naging senador, pero ang mahalaga ay gumawa ng magandang hakbang ang mga pulis para sa kanilang anti-crime operation kung saan target nila ang ‘wanted felons’.

Sa ulat ng PNP, libo na ang bilang ng wanted persons na nasa-kustodia na ng pulisya na nadakip sa pamamagitan ng iba’t ibang diskarte na pinairal ng mga arresting team.

Pero ang kuwento nang pagkahuli kay Victorious
Baylosis, 29, ang tinaguriang ‘Palos’ ng Cavite aymakatawag- pansin dahil puno ng drama na maihahalintulad sa fiction detective stories.

Guwapo, matangkad at matipuno ang pangangatawan ni Baylosis na sa pamamagitan ng pagbabalat-kayo ay naitatago ang tunay niyang pagkatao

Kung ‘di nakasuot ng wig, binabago ang itsura ng pangangatawan sa pamamagitan nang pagsusuot ng damit para itago ang tunay na anyo na naging palaisipan sa mga pulis at biktima.

Pero ang pagiging palos at panlilinlang ni Baylosis ay ‘di umubra sa ikinasang mapangahas na paniniktilk sa kanya ni PSMS Paquito Chan at mga kasama sa Intel Tteam ng Cavite PNP.

Matapos ang ilang taong mabungang ‘crime career’, si Baylosis ay bumagsak sa kamay ng pulisya, nasakote sa isang raid sa Yakal St., Barangay Bulihan, Silang, Cavite.

Si Baylosis, ayon kay PLt.Col. Agosto Asuncion ng Provincial Command ang may kagagawan sa mahigit 20 insidente ng hold-up sa Indians na ang hanap-buhay ay ” 5-6″ sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.

Bukod sa string of robberies, nahaharap din ang suspek sa murder at iba pang pagkakasala na dinidinig sa iba’t ibang korte sa Cavite.

Nice job, Cavite PNP.