Killer na wanted sa Tarlac, nakorner sa Nueva Vizcaya

Killer na wanted sa Tarlac, nakorner sa Nueva Vizcaya

October 14, 2022 @ 2:42 PM 2 months ago


NUEVA VIZCAYA – Tuluyan nang nakorner ng pulisya ang akusado sa pagpatay na nasa Top 1 Most Wanted Person ng Camiling, Tarlac sa Sitio Butao, Barangay Baracbac, Sta Fe, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang akusadong si Angelo Pagarigan, 38 anyos, isang karpintero at residente ng Barangay Florida, Camiling, Tarlac.

Naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Dorothy Jimenez Alarcio-Padilla ng First Judicial Region, Branch 42, Dagupan City, Pangasinan.

Matagumpay na naaresto si Pagarigan sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng Nueva Vizcaya CIDG-PFU, 2nd Nueva Vizcaya PMFC, Camiling Police Station, Tarlac PPO at Sta Fe Police Station sa pangunguna ni PMaj. Angelo Dasalla.

Ang akusado ay may kinakaharap na kasong Murder sa Pangasinan na naitala sa kasong Criminal bilang 2021-0940-D.

Batay sa inilabas na warrant of arrest ay walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Pagarigan na pansamantala nasa kustodiya ngayon ng Sta. Fe Police Station para sa kaukulang dukomentasyon at tamang disposisyon bago ipasakamay sa korte na may hurisdiksyon sa kanyang kaso.

Samantala, ang akusado ay isa sa mga gun-for-hire sa naturang lalawigan ng Tarlac at karatig probinsya. Rey Velasco