‘Killer’ ng drayber utas sa rumespondeng pulis

‘Killer’ ng drayber utas sa rumespondeng pulis

August 28, 2022 @ 3:45 PM 1 month ago


CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Nasawi ang isang lalaking suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang drayber makaraang makipagbarilan sa rumespondeng pulisya sa isang kilalang subdivision sa Barangay Valdefuente ng lungsod na ito, noong Sabado ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang napatay na si alyas “Jelo” makaraang paputukan umano nito ang rumespondeng tropa ng pulisya na huhuli sana sa kanya, na nauwi sa pagganti ng putok ng pulisya na agad na ikinamatay nito.

Nabatid sa ulat na bigla umanong dumating si Jelo at walang anu-ano ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ang biktimang si Roberto Dela Cruz, 52-anyos, isang drayber at residente ng Barangay Calipahan, Talavera, NE, na nasa loob umano ng administrative office ng North Grove Subd., dito, dakong alas-4:45 ng hapon.

Matapos ang insidente ay naglakad lang umanong tumakas ang suspek palabas sa nasabing subdivision habang ang guwardiya nito ay humingi ng tulong sa pulisya na noong mga oras na iyon ay rumoronda at malapit lang umano sa lugar.

Agad na tinungo ng pulisya ang kinaroroonan ng suspek ngunit nagpaputok umano ito sa tropa ng gobyerno kaya napilitang gumanti ng putok ang pulisya na nagresulta sa agarang pagkamatay ng suspek.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek habang wala pang matukoy na motibo sa pagpaslang nito sa biktimang si Dela Cruz. Ver Sta. Ana