KILO-KILONG DROGA AT NEGATIVE SA DRUG TEST

KILO-KILONG DROGA AT NEGATIVE SA DRUG TEST

January 21, 2023 @ 1:50 PM 3 weeks ago


MAGANDA ang pagsasagawa ng drug test sa hanay ng mga pulis.

Isa sa mga paraan ito para matukoy kung sangkot sa droga ang mga pulis o hindi.

Kapag nagpositibo ba ang pulis, sibak ba siya kaagad sa pulisya?

O isasalang sa panggagamot o rehabilitation.

Ang problema kasi rito, mga Bro, tila walang inilalabas na ngalan ng mga nagpopositibo, kung meron man.

Halimbawa na lang ang mga pulis na nahuli sa Sta. Cruz, Manila.

Noong Oktubre 2022, may pulis na nahuli na nag-iingat ng halos isang toneladang shabu na nagkahalaga ng nasa P6 bilyon.

Nitong nagdaang mga araw lang, may nahuli ring pulis sa isang buy-bust operations at nakumpiskahan ng 25 gramo ng shabu.

Paano kung negatibo sa drug test ang mga nasabing pulis na parehong miyembro ng Police Drug Enforcement Group?

Ano ang epekto nito pagkakahuli nila sa pag-iingat ng droga?

Kaugnay nito, ang mga pinag-courtesy resignation ba, eh, isinalang lahat sa drug test?

Paano kung negative lahat ito subalit may malaking suspetsa na ilan sa kanila ang sangkot sa droga?

Ano ang epekto ng pagiging negatibo sa droga ang balak na pag-iimbestiga sa mga sangkot sa droga?

Ang mabuti pa, kapag may nagkausok sa bumbunan ng isang pulis, hindi lang ipa-drug test kundi isalang din sa malalimang imbestigasyon.

Kung walang usok, walang apoy.

DROGA KAHIT SAAN

Habang nagkakaroon ng mga pagdududa sa lahat ng mga pulis kung sangkot sila sa droga o hindi sa bisa ng courtesy resignation, tunay namang malaganap ang droga sa Pinas.

Tingnan ninyo, mahigit P70 milyon na ang mga droga na nakukumpiska ng pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos at may 2,092 nang naaresto rito sa unang dalawang linggo ng Enero 2023.

Paano ba malaganap?

Aba, sa Naga City, may nakumpiska kina Eman at Nelynn Tobias na taga-Laguna na 2 kilong shabu na nagkakahalaga ng P13.6M.

Sa Las Pinas City kamakailan, P89.5M shabu ang nakumpiska kay Jolle Ann Cuer, 25, at padala umano ito ng Nigerian na si Micheal Olanrewaju.

Sa Carles, Iloilo, naaresto si Matthew James Bacos, 20, sa pagkakaroon ng 1 kilong shabu na nagkakahalaga ng P6.8M.

Kilo-kilo ang mga shabu na nakukumpiska at nangangahulugang may malalaking druglord na sangkot.

Kung iisipin, mga Bro, hindi uunlad ang industriya ng droga kung walang kontak na awtoridad ang mga druglord at pusher ng mga ito.

Totoo kayang may mga heneral, colonel at iba pang pulis na protektor sa droga kahit negatibo sa drug test ang mga ito?

Kung magkakatotoo ito sa imbestigasyon sa courtesy resignation, karapatan ng mamamayan na malaman kung sino-sino ang mga ito at huwag gawing sikret.