Kilos-protesta ikinasa vs EDCA sa pagbisita ng US VP

Kilos-protesta ikinasa vs EDCA sa pagbisita ng US VP

November 21, 2022 @ 5:33 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – Nagsagawa ng kilos protesta ang mga grupo para ipahayag ang kanilang pagkontra sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at iba pang usapin sa tatlong araw na pagbisita sa bansa ni US Vice President Kamala Harris.

Nagtipon-tipon ang mga raliyista na pinangunahan ng mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan, Kilusang Mayo Uno at iba pang grupo.

Nakiisa rin sa protesta ang Kabataan at Gabriela partylist groups kung saan namataan si dating Gabriela party-list Rep. Liza Masa at dating Bayan Muna party-list Rep. Teodoro Casino Jr.

Bitbit ng mga raliyista ang mga placards na may nakasulat na “Junk EDCA”, “US out now”, “Layas Kamala”.

Hindi naman nagtagumpay ang mga nagprotesta na makalapit sa Mendiola na malapit sa Malakanyang dahil bantay sarado ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang lugar upang masiguro na payapa ang pagdaraos ng kanilang aktibidad. Jocelyn Tabangcura-Domenden