Kinalampag: ayuda sa mga magsasakang sinalanta ng bagyo, asan na?

Kinalampag: ayuda sa mga magsasakang sinalanta ng bagyo, asan na?

July 31, 2018 @ 12:36 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Kinalampag ni Senador Kiko Pangilinan ang Department of Budget and Management (DBM) kabilang ang ilang ahensiya ng pamahalaan upang magbigay ng tulong o ayuda sa mga magsasakang lubhang sinalanta ng mga nakaraang bagyo.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na iniulat ng National Disaster and Risk Reduction Management Council na umabot na sa P2.4 bilyon ang halaga ng pinsalang dulot ng malakas na pag-ulan nang nakaraang dalawang linggo.

“Maraming bayan ang nananatiling lubog sa baha, tulad sa Bulacan, kahit na tumigil na ang pag-ulan,” aniya.

Sinabi ni Pangilinan na kailangan ng mga magsasaka sa apektong lugar ang agarang tulong.

“Ngayong hawak na natin ang mga bilang, dapat nakatutok ang mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan sa mga pagsisikap at paglalaan ng pondo para matulungang makaraos ang mga nasalant,” giit niya.

Aniya, dapat manguna ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng mga food pack, health kits, malinis na tubig, at iba pang pangunahing pangangailan ng mga nasalanta.

“Dapat i-check ng Department of Health (DOH) ang kondisyon ng mga tao, at nang maiwasang kumalat ang mga sakit. Dapat i-clear ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga bara sa kalsada, at agarang ayusin ang mga nasirang imprastraktura,” ani ng senador.

Idinagdag pa ng senador na dapat asikasuhin ng Department of Agriculture at ng mga kasamang nitong ahensya ang mga pangangailangan ng mga magsasaka na nasiraan ng pananim.

“Dapat tulungan ng DA na magkaroon ng access sa mga libreng binhi, pautang, at iba pang mga tulong para nang sa gayon makapagtanim sila muli,” ayon kay Pangilinan.

Hinihikayat din niya ang Department of Budget and Management (DBM) na gumawa ng ulat sa mapagkukunang pondo na nakalagak sa contingency fund ng Pangulo at sa budget ng mga kagawaran na maaaring gamitin para rito.

“Tumigil man ang pag-ulan, patuloy pa rin ang paghihirap ng ating mga kababayan. Huwag natin hayaang malunod sa ingay ng pulitika ang kanilang kalunos-lunos na kalagayan. Dapat mas agarang matulungan sila nang sa gayon ay makabangon agad mula sa kalamidad na ito,” paliwanag ng senador. (Ernie Reyes)