Kinalasan ng dyowa, namaril sa bar!

Kinalasan ng dyowa, namaril sa bar!

September 19, 2022 @ 12:10 PM 6 days ago


MANILA, Philippines- Nalambat sa Valenzuela City ang isang 33-anyos na Tsinoy matapos na umano’y walang habas na magpapaputok ng baril sa isang bar sa Caloocan City kung saan nagtatrabaho ang dati niyang kasintahan.

Ibinalibag sa selda si Tomy Nikko Ong, ng Valenzuela City, na pumasok sa nasabing bar sa Barangay 178, Caloocan 12:15 a.m. noong Setyembre 17 at sunud-sunod na nagpapaputok ng baril pataas matapos matapos silang magtalo ng ex dahil sa desisyon ng bebot na si alyas “Elizabeth” na wakasan na ang relasyon nila ng suspek.

Matapos matanggap ang ulat ukol sa insidente, naglatag ng dragnet operation ang Valenzuela Police kung saan sinabat ang sasakyang minamaneho ng suspek sa kanto ng McArthur Hi-way at T. Santiago St., Brgy. Malanday, Valenzuela.

Nakumpsika kay Ong ang isang caliber .45 pistol na may isang bala, isang walang kargang magazine, isang magazine na na may 10 bala, at isang pulang sedan.

Bagama’t walang naiulat na nasaktan sa insidente, patong-pa rin ang haharaping kaso ng dinakip na paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, at Alarms and Scandal. Merly Iral