Kinalos na kwarantin sa dayuhang byahero kinuwestyon ni Leachon

Kinalos na kwarantin sa dayuhang byahero kinuwestyon ni Leachon

January 30, 2022 @ 9:29 AM 8 months ago


MANILA, Philippines β€” Kinuwestyon ng dating adviser ng gobyerno sa pandemya ukol sa kinalos na kwarantin para sa mga fully vaccinated na dayuhang papasok ng bansa sabay iginiit na hindi patatapos ang panganib ng COVID-19 sa pagiging fully vaccinated lang ng byahero.

Giit ni Dr. Tony Leachon na ang sinomang byaherong papasok sa bansa ay dapat isailalim pa rin sa COVID-19 test, kahit man lang antigen test, para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Dagdag niya na may ilan kasing pasahero ang nagpopositibo sa COVID-19 pagdating ng bansa mula sa byahe.

“Tatanggalin mo ang testing, eh testing essential feature and pillar ’yan to curb the pandemic. Kung wala kang testings, wala ka ring ia-isolate, wala ka ring ika-quarantine,” giit ni Leachon sa interbyu sa Teleradyo.

“Hanggang 10 days ang virus, at enclosed space ang airplane na alam mong puwedeng magkaroon ng transmission during the flight,” dagdag pa ng doktor.

Sa kabilang banda, iginiit ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na ang nasabing desisyon ay napagkasunduan ng inter-agency task force at makatutulong ito sa pagbangon ng ekonomiya..

“Kahit sa ibang bansa, nakita naman na hindi na kailangan magpa-test basta fully vaccinated and boosted, it can open our doors for economy recovery faster,” giit pa niya.

Biyernes nang ianunsyo ng MalacaΓ±ang na hindi na kailangang magkwarantin ng mga fully vaccinated na international traveler maging ang returning overseas Filipinos basta makapagpiprisinta ito ng negatibong resulta ng COVID-19 test at sumailalim sa self-monitoring. RNT