Kinanselang COC ng Puerto Princesa mayor ‘di totoo-Comelec

Kinanselang COC ng Puerto Princesa mayor ‘di totoo-Comelec

August 12, 2022 @ 9:14 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinasinungalingan ng Commission on Elections (Comelec)  ang mga ulat na kinansela nito ang certificate of candidacy ni Puerto Princesa City, Palawan Mayor Lucilo Bayron sa katatapos lang na botohan noong Mayo 9.

Sinabi ni Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco, sa isang pahayag, na ang pleading ng mga petitioner laban kay Bayron sa isyu ang talagang dinismis ng poll body.

“Please be informed that per Dir. Genesis Gatdula, Clerk of the Commission, the subject Petition (SPA Case No. 21-191 [DC]) was dismissed by the Comelec Second (2nd) Division in its Dismissal Order of January 28, 2022. Based thereon, what was dismissed by Comelec was the Petition filed by the Petitioners, and not Mayor Bayron himself,” sabi ni Laudiangco.

Naglabas ng pahayag ang poll body sa gitna ng ulat na “pinawalang-saysay” nito si Bayron.

Ibinasura ang petisyon matapos mabigo ang mga petitioner na sina Benhar Hamisain Halipa, Salvador Tinay, at Francis Laurence na ihain ito sa loob ng itinakdang panahon ng paghaharap.

Gayundin, nabigo silang ilakip ang Certificate of Candidacy (COC) ng respondent sa petisyon.

Sa kabilang banda, sinabi ni Laudiangco na nakabinbin pa rin ang kaso matapos iapela ng mga petitioner ang naunang desisyon.

“Records likewise state that Petitioners filed a Motion for Reconsideration on February 7, 2022, which, as of this writing, is still pending and subject for resolution,” dagdag niya.

Nobyembre 5, 2021, nang maghain ang mga respondent ng verified petition na humihiling sa poll body na kanselahin ang COC ni Bayron. Jocelyn Tabangcura-Domenden